Pinapayagan ang late enrollment sa mga pampublikong paaralan hanggang Nobyembre ayon sa Department of Education (DepEd).
Maaaring magpatala ang mga estudyante hanggang Nobyembre bagama’t nakatakdang magsimula ang klase sa Okt. 5 sang-ayon sa polisiya DepEd, ayon sa kalihim ng ahensya na si Leonor Briones.
“Puwede naman silang humabol kasi mayroon tayong policy of late enrollment, which we allow for as long as maka-attend ang bata ng 80 percent of the equivalent of class days,” ani Briones sa isang virtual press briefing.
“Ginagawa na ‘yon before COVID pa,” dagdag niya.
Batay sa pinakahuling tala ng DepEd, umabot na sa 24.3 milyon ang bilang ng mga enrolled na estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan. Kabilang na rin dito ang mga nagpatala para sa Alternative Learning System.
Ang nasabing bilang ay katumbas ng halos 88 porsyento ng kabuuang bilang ng mga nagpatalang estudyante noong nakaraang taon.
“Ang target lang natin noon ay 80 percent ng enrollment… lumampas na tayo sa goal natin,” ani Briones.
Mahigpit na ipinagbabawal ang face-to-face classes sa pagsisimula ng klase sa darating na Okt. 5 dahil sa banta ng COVID-19.
Inaasahan na gagamit ang mga estudyante ng iba’t-ibang education delivery modes gaya ng mga printed learning module, online instruction, at radyo at telebisyon.
Batay sa isang survey ng DepEd, karamihan sa mga mag-aaral ay walang kapasidad para sa online learning kung kaya naman printed learning module ang gagamitin.
Maaaring i-download ang mga printed learning module sa DepEd Commons at sa Education PH.
This article is brought to you by Education PH, your reliable partner for learning and success. Sa halagang P499/year, makakadownload ka na ng mga premium learning materials para sa iyong anak o estudyante.