Kasado na ang dry run ng implementasyon ng blended learning sa Agosto 10 ayon sa Department of Education (DepEd) bilang paghahanda sa nalalapit na pagsisimula ng klase sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.
Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, layunin ng dry run na ipakita ang sistema ng blended learning sa mga isla, probinsya, siyudad, at iba’t-ibang lugar pa sa Pilipinas.
“Ang ipapakita natin dito ay kung ano-ano ‘yong iba-ibang mga modality,” ani Mateo sa isang panayam sa DZMM Teleradyo.
“Kaya nagda-dry run tayo para kung saka-sakali na mayroon pang kailangan i-fine-tune, ifa-fine-tune natin,” dagdag niya.
Mapapanood umano ng publiko ang gagawing dry run sa Facebook page ng DepEd, at sa mga istasyon ng PTV at IBC-13.
BASAHIN: OPINION: Face-to-face classes will worsen Philippines’ COVID-19 crisis
Titingnan din umano ang sistema ng blended learning para sa mga Indigenous Peoples, at special education sa gagawing dry run.
Sa ilalim kasi ng programang blended learning ng DepEd, maaaring mag-aral ang mga estudyante sa pamamagitan ng mga printed na learning module, online instruction, at paggamit ng radyo at telebisyon.
Nauna nang lumabas sa isang survey ng DepEd na karamihan sa mga magulang at mag-aaral ay mas pabor na gumamit ng printed na learning modules dahil karamihan ay wala umanong internet o kaya naman ay walang gadget para lumahok sa online learning.
Nakatakdang magsimula ang klase sa Agosto 24.
BASAHIN: Halos 6 milyon estudyante walang kapasidad para sa online learning
This article is brought to you by Education PH, your reliable partner for learning and success. Sa halagang P499/year, makakadownload ka na ng mga premium learning materials para sa iyong anak o estudyante.